Hindi pa raw puwedeng magbukas ang Judicial and Bar Council (JBC) ng aplikasyon o nominasyon para sa posisyong overall deputy Ombudsman.
Ito ay matapos tuluyan ng Malacañang ang pagsibak kay Overall Deputy Ombudsman Melchor Arthur Carandang.
Ayon kay Department of Justice secretary at JBC ex-officio member Menardo Guevarra, puwede pa raw kasing iapela sa Court of Appeals (CA) o sa Supreme Court (SC) ang naging desisyon ng Malacañang.
Saka lamang umano magbubukas ng nominasyon o aplikasyon ang JBC kapag pinal na ang desisyon ng office of the president (OP).
Una rito, tinanggal sa puwesto si Carandang dahil guilty ito sa graft at nilabag din umano ang code of ethics kasunod ng isinagawa nitong imbestigasyon sa mga ari-arian ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Agosto noong 2017 nang i-dismiss si Carandang ng OP pero naghain ito ng motion for reconsideration.
Ang naturang mosyon ay ibinasura raw ng OP noong nakaraang linggo ayon kay Guevarra.