Nanindigan ang Philippine Olympic Committee (POC) na balido ang nangyaring rigodon sa ilang mahahalagang posisyon sa kanilang organisasyon.
Tugon ito ni POC spokesperson Ed Picson sa mga pahayag ng isa sa mga nasibak na si board member Joey Romasanta na invalid umano ang pagkakatanggal sa kanya at sa iba pang mga sports officials.
Una nang pinaliwanag ni Romasanta na kailangan pa raw ng pahintulot ng Executive Board bago sila tanggalin at palitan sa puwesto.
Sinabi ni Picson sa panayam ng Bombo Radyo, sang-ayon sa kanilang by-laws, may otoridad umano si POC president Ricky Vargas na magtalaga ng mga opisyal.
Wala naman aniyang nakalagay sa kanilang konstitusyon na kailangang dumaan sa Executive Board ang pag-alis sa sinumang opisyal ng POC.
“Since ang otorisado na magtalaga o magnobra ng opisyal ay logical na ang puwede lang magtanggal ay ang presidente kasi lahat naman ng mga opisyal ng POC ay naninilbihan sa ilalim ng presidente. Siya ang boss eh, hindi naman ang Executive Board,” wika ni Picson.
Nitong Lunes nang tanggalin ni Vargas si Romasanta at apat na iba pang mga board members sa kanilang mga commitee positions dahil nawalan na raw ito ng tiwala sa kanila.
Bukod kay Romasanta, tanggal sa kani-kanilang mga puwesto si Membership Committee chairman Robert Bachmann, at Jose “Peping” Cojuangco na pinuno ng Constitutional Amendments Committee.
Binawi rin ni Vargas ang mga appointments nina 2019 Southeast Asian (SEA) Games chef-de-mission Monsour del Rosario, at ng kanyang deputy na si Atty. Charlie Ho.
Pumalit kay Bachmann si Gen. Lucas Managuelod, si dating Justice Sec. Alberto Agra kay Cojuangco, Philippine Sports Commission chairman Butch Ramirez kay Del Rosario at POC chairman Bambol Tolentino kay Romasanta.
Samantala, iginiit naman ni Samahang Weightlifting ng Pilipinas president Monico Puentevella na dapat ay matigil na ang gulo at idaan ng kanyang mga kasamahan sa masinsinang usapan ang isyu.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Puentevella na dapat ay isantabi muna ang mga hidwaan lalo pa’t sa Nobyembre ay nakatakdang i-host ng bansa ang ika-30 bersyon ng Southeast Asian Games.
“I think there is no winner here, everybody is a loser lalo na ang mga atleta ng Pilipinas na kawawa lalo pa’t alam nila na magbubukas na ang SEA Games [sa Nobyembre] tapos ganito pa ang nangyari,” ani Puentevella.