Nagbaba na ng desisyon ang Korte Suprema hinggil sa kaso ng isang Overseas Filipino Worker na sinibak sa trabaho matapos itong mag-positibo sa Human Immunodeficiency Virus o HIV.
Ayon sa isinulat na desisyon ni Supreme Court Associate Justice Alfredo Benjamin Caguioa, iligal ang ginawang pagsibak sa OFW dahil ito raw ay discriminatory.
Ayon pa sa korte, iligal ang pagsibak sa isang empleyado kung ang rason ay dahil lamang sa nag-positibo ito sa HIV. Ito ay base na rin sa Section 49(a) ng Republic Act No. 11166 o Philippine HIV and AIDS Policy Act.
Ang hatol ng Korte Suprema ay may kinalaman sa kaso noong January 2019 kung saan ang OFW na si Alyas AAA ay natanggal sa trabaho sa Saudi Arabia matapos itong mag-positibo sa HIV nang magsagawa ang kumpanya ng routine medical exam.
Ayon daw kasi sa batas ng Saudi Arabia, ikino-konsidera ng “unfit to work” ang mga taong positibo sa HIV kaya tinanggal sa trabaho si Alyas AAA at pinabalik sa Pilipinas noong February 2019.
Dahil dito, naghain ng reklamo si Alyas AAA ngunit binasura ito ng labor arbiter.
Samantala, binaligtad naman ang desisyong ito ng National Labor Relations Commission (NLRC) at sinabing liable for illegal dismissal ang kumpanya na pinagtatrabahuhan ni AAA at ang foreign recruitment agency nito na pinanigan din ng Court of Appeals.
Dahil dito, inakyat ng kumpanya na Bison Management Corporation ang kaso sa Korte Suprema.
At ayon nga sa kataas-taasang hukuman, walang valid cause para sibakin sa trabaho si Alyas AAA dahil ipinagbabawal sa batas ng Pilipinas na maging ground for dismissal ang HIV status ng isang empleyado.
Binigyang-diin din ng desisyon ng Korte Suprema na kung ang foreign law na nabanggit sa employment contract ay saliwat sa Philippine law, dapat pa rin aniyang sundin ng kumpanya ang batas na nangingibabaw sa Pilipinas.