Naniniwala si retired Supreme Court Senior Associate Justice Adolfo Azcuna na ang pagsilbi ng warrant of arrest laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte ay legal ngunit ang pagsuko sa dating pangulo sa International Criminal Court ay illegal.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Foreign Relations, sinabi ni Azcuna kahit na nag-withdraw ang bansa sa ICC noong panahon ng pamumuno ni Duterte, mayroon pa rin tayong residual obligation o responsibidad na makipagtulungan sa international tribunal.
Kaya naman ang pagsilbi ng warrant of arrest ng ICC sa pamamagitan ng interpol laban kay Duterte noong Marso 11 ay legal.
Gayunpaman, maituturing naman aniyang illegal ang pagsuko sa dating pangulo sa ICC.
Paliwanag ni Azcuna, kung walang tratado ay hindi pe-pwedeng isuko ang isang indibidwal o suspek sa ICC.
Batay sa section 17 ng Republic Act 9851, ang pagsuko aniya sa isang indibidwal ay alinsunod sa treaty obligations.
Kung mayroon naman aniyang tratado, kinakailangan sundin ang section 59 ng Rome Statute kung saan ang akusado ay dapat munang dalhin sa lokal na korte upang maipabatid ang isinampang kaso laban sa kanya.
Sinabi pa ni azcuna, maaari naman mai-raise sa ICC ang posibleng paglabag sa proseso sa pag-aresto kay Duterte.
Maaari aniyang makonsidera o matalakay ng pre-trial chamber ng ICC sa nakatakdang pagdinig sa Setyembre ang posibleng paglabag sa pag-aresto sa dating pangulo.