CAGAYAN DE ORO CITY- Sinang-ayunan ng gobyerno subalit itinuro na dahilan ang mga pag-atake ng Communist Party of the Philippines- New People’s Army (CPP-NPA) kung bakit nasa pang-siyam na puwesto ang Pilipinas na mayroong mataas na global terrorism index.
Ito ay matapos nakakuha umano ng 36 porsyento ang Pilipinas dahil sa dami ng mga kaso ng terror attacks kung saan naka-contribute ang mga pangggugulo ng mga rebelde na sakop ng CPP.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni National Secuity Adviser Hermogenes Esperon Jr na nagdulot ito ng hindi mabuting epekto pagdating sa foriegn investments at tuluyang pagkasira sa imahen ng Pilipinas sa international community.
Inihayag ni Esperon na ito ang dahilan na puspusan ang pagpapatupad ng ‘whole of the nation approach’ ni President Rodrigo Duterte na nakasaad sa inilabas nitong executive order no. 70 upang tugunan ang kakulangan ng basic services sa mga lugar na pinapugaran ng mga rebelde.
Dagdag ng retiradong military general na hangga’t wala pang pagbabago sa inilabas na full scale offensives ay hindi mag-aaksaya ng panahon ang gobyerno para tuluyang pahinain ang puwersa ng mga rebelde.
Magugunitang batay sa 2018 record ng Institute for Economics and Peace,nasa 297 ang namatay mula sa 424 na terror attacks na pinangunahan ng NPA,Bangsamoro Islamic Freedom Fighter at Abu Sayyaf Group na mayroong kaugnayan sa Islamic State group mula Gitnang Silangan.
Nangunguna naman na madaling atakehin ng mga terorista ang bansang Afghanistan,Iraq,Nigeria, Syria,Pakistan, Somalia, India,Yemen at Democratic Republic of Congo.