Posibleng abutin na lamang ng 14 araw ang pagsipsip at tuluyang pag-ahon sa mga langis na laman ng lumubog na MT Terra Nova matapos simulan kahapon(Aug 21) ang ‘full blast’ siphoning operations.
Ayon kay Philippine Coast Guard (PCG) Commandant Adm. Ronnie Gil Gavan, kampante ang kinuntratang salvor team na mapapadali na ang pagsipsip sa mga langis.
Nitong nakalipas na mga araw, naging mabagal ang ginawang siphoning operations matapos umabot lamang sa 47,000 litro ng langis ang nasipsip sa loob ng ilang araw.
Pero sa ilalim ng full blast operations, nais ng salvor team na makapag-ahon ng hanggang 200,000 litro ng langis at tubig alat na laman ng barko, kada araw.
Samantala, bahagi ng plano ay ang pagpasok o paglalagay ng tubig-alat sa mga tangke ng lumubog na tanker upang mapigilan ang paggalaw nito. Ibig sabihin, magkahalong tubig-alat at langis ang sabay na sisipsipin.
Kapag nakuha na ang lahat ng langis, agad na papalutangin ang naturang tanker para sa akmang disposisyon.
Samantala, tiniyak naman ng PCG na ‘under control’ pa rin ang tumatagas na langis mula sa tanker kung saan isang litro ng industrial fuel oil (IFO) ang lumalabas kada araw.