Naniniwala ang mga Metro Manila mayors na walang epekto ang pagtaas ng mga kaso sa lungsod ng Pasay sa kanilang rekomendasyon na isailalim na sa modified general community quarantine ang National Capital Region sa buwan ng Marso.
Kung maaalala, umabot sa 33 barangay at isang business establishment ang isinailalim sa 14-day lockdown ng Pasay City government upang mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Paranaque City Mayor Edwin Olivarez, chairman ng Metro Manila Council (MMC), ginawa lamang daw ng Pasay ang nararapat kapag magkaroon ng pagtaas ng mga kaso ng COVID-19.
Nasa kamay na rin aniya ng Pangulong Rodrigo Duterte ang bola kung aaprubahan nito ang rekomendasyon nilang mga alkalde sa Inter-Agency Task Force.
Kaugnay nito, ganito rin ang pananaw ni Metro Manila Development Authority (MMDA) chairman Benhur Abalos tungkol sa isyu.
Katwiran ni Abalos, malamang ay sasabihin ng Pangulong Duterte na nangyayari raw ang ganitong mga bagay
Nakasisiguro rin daw si Abalos na babalansehin naman ng Pangulong Duterte ang magiging pasya nito kung ilalagay na ang Kalakhang Maynila sa pinakamaluwang na community quarantine status.
Una rito, sinabi ng OCTA Research Team na halos nadoble umano ng Pasay City ang daily report ng mga bagong kaso kumpara noong nakalipas na linggo kung saan mayroon itong average na 44 new cases kada araw.
Batay naman sa City Epidemiology and Disease Surveillance Unit (CESU), ang lungsod ay may daily average na 15 cases mula Oktubre 2020 hanggang Pebrero 2021.
May average namang 14 cases kada araw mula Enero 2021 hanggang ngayong buwan.