-- Advertisements --

GENERAL SANTOS CITY – May direktiba na si PBGen. John Guyguyon, Regional Director ng Police Regional Office- Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) sa agarang pagresolba sa nangyaring pananambang sa mga tauhan ng Ampatuan Maguindanao PNP.

Sa panayam ng Bombo Radyo Gensan, inihayag ni PMaj. Regie Albellera, PIO-PNP Maguindanao, inaalam na ang mga pangalan ng mga responsable matapos natukoy na mga Bangsamoro Islamic Freedom Fighters(BIFF) ang nasa likod ng krimen.

Tiniyak nila sa mga naulilang pamilya ng mga biktima ang pagkakaroon ng hustisya.

Aminado naman ito na nakitaan ng ‘lapses’ ang grupo ni Ampatuan Municipal Police Station Chief Police Lieutenant Reynaldo Samson dahil kulang umano ng koordinasyon sa ibang police unit bago isinagawa ang operasyon.

Matatandaang magsisilbi lang sana ng warrant of arrest sa isang wanted person ang grupo ni PLt. Samson kasama si Police Corporal Salipuden Talipasan Endab at talo pang kasama ng silay tinambangan.

Aniya maging lesson-learned sana ito sa iba pang hanay ng pulisya na maging vigilante sa lahat ng panahon sa pagsasagawa ng anumang operasyon.

Kinondena ng Ampatuan Maguindanao PNP ang pananambang, kasabay nito ay nanawagan sa publiko na makipag-ugnayan sa kanila kung may alam para sa ikakahuli ng mga nasa likod ng krimen.

Sa ngayon mas hinigpitan pa ang checkpoints sa buong Maguindanao kasunod ng pangyayari.