DAGUPAN CITY – Pinuri ng Kapisanan ng mga Broadkaster ng Pilipinas (KBP) ang ginawang paghingi ng paumanhin ng radio personality na si Erwin Tulfo sa labis niyang pagsasalita laban kay Social Welfare Sec. Rolando Bautista matapos nitong hindi magpaunlak ng panayam sa isang programa.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Mark Espinosa, vice-president ng KBP-Pangasinan Chapter, sinabi nito na magandang indikasyon ang ginawang public apology ni Tulfo dahil nangangahulugan ito na siya ay nagpapakumbaba at tinatanggap nitong mayroon siyang pagkakamali.
Kung pakikinggan kasi aniya ng buo ang naging pahayag ni Tulfo sa kanyang programa, hindi katanggap-tanggap ang ginawa nitong pagbanat ng masasakit na salita sa kalihim.
Samantala, inihayag naman nito na ang naturang pangyayari ay naging daan para mabuksan ang kaisipan ng ibang mamamahayag na may limitasyon din ang freedom of speech na pinanghahawakan ng bawat isa.