(Update) BACOLOD CITY – Ikinatuwa ng gobernador ng Negros Occidental ang pagbabalik-loob sa gobyerno ng 25 mga dating miyembro ng New People’s Army (NPA) bitbit ang maraming mga baril.
Una nang sinabi ni 303rd Infantry Brigade commander Col. Benedict Arevalo na halos 30 mga baril ang isinuko ng mga miyembro ng New People’s Army sa 79th Infantry Battalion headquarters sa Barangay Bato, Sagay City.
Kabilang sa mga baril ay isang M14, tatlong M16, apat na Garand rifles at tatlong .9mm Uzi Ingram.
Isinuko rin ng mga dating rebelde ang 12 mga .45 caliber pistols, isang caliber .38, apat na shotgun, isang caliber .22, mga bala at iba pang mga gamit.
Ayon kay Arevalo, ang pagsuko ng mga baril ay bahagi ng localized peacetalks na isinasagawa ng Philippine Army.
Sa panayam naman kay Governor Alfredo Marañon Jr., sinabi nitong welcome development ang ginawa ng mga dating rebelde.
Aniya, maaaring pagod na rin ang mga miyembro ng komunistang grupo na mamuhay sa bundok kaya’t sumuko na ang mga ito sa pamahalaan.