BAGUIO CITY – Naniniwala ang Office of the Presidential Adviser on Peace Process (OPAPP) na sa pamamagitan ng economic support na ibinibigay ng Duterte Administration ay mas marami pang mga rebelde ang magbabalik loob sa pamahalaan sa taong 2022.
Ipinahayag ito ni Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity Carlito Galvez Jr. sa kanyang pagbisita sa rehiyon ng Cordillera.
Inaasahan aniya na aabot sa 80 percent ng mga kasalukuyang miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) sa rehiyon Cordillera at iba pang bahagi ng bansa ang susuko sa darating na 2022.
Inulit din nito ang hiling ni Pangulong Rodrigo Duterte na mahinto na ang pagkakaroon ng casualties dahil sa sagupaan sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at ng komunistang grupo.
Nabigyan aniya ng P16-B na pondo ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict para sa mga development projects sa mga mahihirap na mga barangay sa bansa.
Suportado din ni Sec. Galvez ang peace initiatives ng mga pulis at militar sa Cordillera, kasama na ang mga LGUs na pagdeklara bilang persona non grata sa mga miembro ng komunistang grupo.
Gusto din aniyang matulad sa peace agreement ng pamahalaan at ng Cordillera Bodong Administration-Cordillera Peoples Liberation Army ang mga achievements ng peace agreement ng pamahalaan at ng Moro Islamic Liberation Front na sasabayan pa ng pagbigay ng kompletong socio economic packages sa mga dating rebelde kasama na ang komunidad ng mga ito.