-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Muling nagpaalala ang Department of Health (DOH)-Cordillera sa publiko na mag-ingat laban sa patuloy na paglaganap ng dengue.

Ayon kay Alexander Bagay mula sa DOH-Cordillera, ang 4S ang isa sa pinaka-madali at pinaka-epektibong programa na pipigil sa pagdami ng kaso ng dengue.

Kumakatawan ang 4S sa “Search and destroy”, “Self-protection measures”, “Seek early consultation” at “Support fogging/spraying”.

Ipinagmalaki niya na dahil sa epektibong programa ng 4s ay bumaba ng 15% ang kaso ng dengue sa Cordillera sa loob ng anim na buwan sa taong kasalukuyan kung ihahambing sa nakaraang taon.

Nakapagtala ang DOH-Cordillera ng 210 na kaso ng dengue sa lungsod ng Baguio mula Enero hanggang sa buwang kasalukuyan kung saan mas mababa ito kung ikukumpara sa 246 na kaso noong 2018.

Naniniwala ang DOH-Cordillera na bababa pa ang bilang ng mga madadapuan ng dengue virus sa rehiyon kung susundin ng publiko ang 4S at ang pagpapanatiling malinis ang kapaligiran.