-- Advertisements --

VIGAN CITY – Muling nagpaalala sa publiko ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at Philippine Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na sumunod sa nakatakda sa Building Code na ipinatutupad sa bansa.

Ito ay matapos ang malakas na lindol na tumama sa Mindanao noong nakalipas na araw ng Miyerkules.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni NDRRMC- Office of the Civil Defense spokesman Mark Timbal na marami pa umanong mga gusali ang hindi sumusunod sa building code kaya nalalagay sa alanganin ang buhay ng iilan.

Nilinaw pa nito na ang mga casualties na naitatala sa tuwing mayroong nangyayaring lindol ay hindi dahil sa pagyanig kundi dahil sa mga bumibigay na istruktura.

Tiniyak naman ni Timbal na nakahanda ang NDRRMC at kanilang mga local counterparts na magresponde kung mayroon mang lindol at iba pang kalamidad na mangyari sa iba’t ibang panig ng bansa.