-- Advertisements --

VIGAN CITY – Ikinatuwa ni LGBT Pilipinas Sec. Gen. Dindi Tan ang pagkilala ng Simbahang Katolika sa mga katulad nitong myembro ng LGBTQ+ community dahil sa suporta ni Pope Francis sa same sex civil union sa dahilan sa sila ay anak din ng Diyos.

Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Tan, malaking tulong umano sa mga miyembro ng LGBTQ hindi lamang sa Pilipinas kundi pati sa buong mundo na mai-angat ang moralidad nila at mapanatag ang kanilang loob mula sa mapanghusgang lipunan.

Tiwala si Tan na sa pamamagitan ng same sex civil union ay makikilala ang karapatan ng bawat myembro ng LGBTQ at mabigyan sila ng pagkakataon na maipadama ang kanilang pagmamahal at maiwasan ang diskriminasyon sa kanila dahil aniya ay may karapatan din naman umano ang mga itong magtaguyod ng pamilya.

Pinaalalahanan nito na hindi dapat umano pairalin ang diskriminasyon sa bawat myembro ng LGBTQ dahil lamang sila ay naiiba bagkus ay ituloy nila ang mga nasimulan nilang adbokasiya dahilan sa malaki rin ang kanilang gampanin sa lipunan.