-- Advertisements --
Boracay
Boracay Island/ FB image

KALIBO, Aklan — Walang dapat na ipag-alala ang mga pasahero papuntang Boracay to Caticlan, vice versa dahil hindi apektado ang operasyon ng fastcraft sa gabi.

Kasunod ito ng pagsuspendi ng Maritime Industry Authority (MARINA) sa night navigation o biyahe ng mga motorbanca sa gabi.

Nabatid na nitong Huwebes ng gabi ay pormal ng ipinatupad ng Philippine Coast Guard (PCG)-Aklan ang naturang guidelines.

Ayon sa pamunuan ng Caticlan Boracay Transport Multi-Purpose Cooperative (CBTMPC), nasa walong fastcraft nila ang patuloy na bumibiyahe simula alas-6:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng madaling araw.

Subalit, aminado sila na mahigit sa 20 units ng kanilang motorbanca na may lisensiya para sa night navigation ang apektado ng suspension order.

Balak rin nila ngayon na dagdagan ng apat na units ang fastcrafts sa susunod na linggo dahil sa dami ng mga turistang pumapasok sa isla kahit habagat season.

Nananatiling nasa Tabon at Tambisaan port ang biyahe ng mga sasakyang pandagat dahil sa malakas na hangin at malaking alon dulot ng habagat.