Hindi umano irerekomenda ni Health Sec. Francisco Duque III sa mga local government units na magsuspinde ng mga klase sa gitna ng pagsailalim sa Pilipinas sa Code Red alert status bunsod ng pagtaas ng mga kaso ng coronavirus disease (COVID-19).
Tugon ito ni Duque matapos na magdeklara ng class suspensions ang Navotas, maging ang mga bayan ng Cainta at Taytay sa lalawigan ng Rizal.
Ayon kay Duque, hindi raw muna dapat ipinatupad ang nasabing hakbang dahil wala itong rekomendasyon mula sa kanila.
“Hindi muna dapat siguro ginawa iyon. But that’s their decision, being independent or being covered under the local government code, that’s their own decision. But, as of today, we are on sublevel 1 of Code Red and that is not being recommended,” wika ni Duque.
Una na ring kinumpirma ng kalihim ang unang kaso ng local transmission sa bansa, na isang 62-anyos na lalaking may severe pneumonia.
Ibig sabihin ng Code Red alert, kinakailangang mag-report sa duty ang lahat ng mga hospital personnel sa kani-kanilang mga pasilidad upang magbigay ng medical services.