-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Iginiit ng grupo ng mga magsasaka na patotoo lang ang pagsuspinde ni Pangulong Rodrigo Duterte sa rice importation ng bansa sa umano’y palpak na pagpapatupad ng Rice Tarrification Law.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi sa tagapagsalita ng grupong Bantay Bigas na si Cathy Estavillo, negatibo umano ang naidudulot ng naturang batas sa mga maliliit na magsasaka kung kaya’t marapat lamang na tuloyan na itong alisin.

Ayon kay Estavillo, magmula ng maipatupad ang Rice Tarrification Law, bumaba na sa P14 ang bilihan ng kada kilo ng palay na dahilan ng pagkalugi ng mga magsasaka.

Reklamo pa ng grupo na halos wala ng bumibili ng kanilang mga produkto dahil karamihan sa mga retailers ang pinipili na lang na mag-import mula sa ibang bansa.

Samantala ngayong araw, nakatakda na magpadala ang grupo kay House Speaker Allan Peter Cayetano ng petisyon na pirmado ng 50,000 mga magsasaka upang hilingin ang pagpapatigil na ng Rice Tarrification Law.