Ipinahayag ni Commission on Elections Chairman (COMELEC) George Erwin Garcia na ang pagpapaliban sa isinasagawa ng pag-imprenta ng mga balota ay ‘first-time’ na ginawa ng komisyon. Ito ay dahil sa Temporary Restraining Order (TRO) na inilabas ng Korte Suprema pagdating sa pag-diskwalipika sa mga ilang kandidato, para sa national at local elections, kaya agaran naman itong sinunod ng poll body.
Ang lahat ng paghahanda na may kinalaman ang balota ay maaapektuhan dahil sa pagpapahinto ng pag-imprenta. Halimbawa na lamang ang halos nasa 6 na milyong mga balota ang na-imprenta na ay maaaksaya dahil ito ay hindi na magagamit pa at kailangan muna nila itong iinventory para ipasa sa Commission on Audit (COA). Tinatayang nasa halos 150 milyon naman ang nasayang na halaga para rito.
Ayon kay COMELEC Chairman Garcia, lahat ng paghahanda na may kinalaman sa pag-imprenta ng mga balota ay kailangang baguhin, kagaya ng Election Management System, ang database ng komisyon, serialization ng bawat pangalan sa balota at ang bagong ballot face template na ilalathala. At dahil sa pag-proseso muli ng mga ito, sinabi ni Garcia na tuluyan ng naantala ang pag-imprenta ng mga balota at lahat ng paghahanda para rito.
Kaugnay pa nito, inanunsiyo rin ni COMELEC Chairman Garcia na pati ang mock elections na mangyayari sana ngayong Enero 18 ay mauurong na ng Enero 25 upang makapaglaan pa ng oras sa pag-imprenta ng mga balota. Asahan din aniya ang paglabas ng bagong ballot face template sa Lunes o Martes ng susunod na linggo.
Siniguro naman ni Garcia ang publiko na ang iba pang paghahanda para sa halalan ay magpapatuloy pa rin at hindi ito maaapektuhan.