Binigyang-diin ni Vice President Leni Robredo na dapat ituon lamang ng gobyerno ang atensyon nito sa pagtugon sa coronavirus crisis at hindi sa pagsusulong ng pag-aamyenda sa Konstitusyon.
Pahayag ito ni Robredo kasabay ng paghahanda ng Kamara para sa muling pagtalakay sa charter change o “Cha-cha.”
Ayon kay Robredo, ilang mga international bodies na ang nagsabi na mahuhuli ang Pilipinas sa mga bansa sa Asia-Pacific region na tuluyang makakabangon mula sa epekto ng pandemya.
“Ilan na iyong mga studies na pinapakita na parang iyong economy natin iyong pinaka-vulnerable, dahil dito, at isa sa mga itinuturong dahilan ay kulang iyong policy support para ma-cushion iyong epekto ng pandemya… Tapos nag-iisip tayo ngayon, charter change,” wika ni Robredo.
Pinuna ng pangalawang pangulo ang mga mambabatas sa dahil sa pinagtuunan nito ng pansin ang pagpasa sa Anti-Terror Law at pagsasara ng ABS-CBN Corporation sa gitna ng pandemya.
“Hindi pa ba tayo natututo na iyong energies natin at atensyon natin, i-focus natin sa mga bagay na hindi magpapahirap sa ating mga kababayan? Bakit hindi natin tutukan iyong mga kailangang tutukan ngayon?” giit nito.
Una nang sinabi ni Ako Bicol party-list Rep. Alfredo Garbin Jr. na target ng Kamara na ituloy muli ngayong linggo ang mga deliberasyon tungkol sa Cha-cha ngayong linggo.
Paliwanag naman ni House Speaker Lord Allan Velasco, layon ng mga nagsusulong ng Cha-cha na amyendahan ang “restrictive” na mga economic provisions sa 1987 Constitution.
Sa panig naman ni Senate President Vicente Sotto III, inihayag nito na hindi raw nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na palawigin pa ang kanyang termino sa pamamagitan ng Cha-cha ngunit nais nitong alisin ang party-list system.
“Ako, nag-a-agree ako na maraming nakakalungkot dito sa party-list [system]… Over the years, naabuso ito. Alam natin na over the years, marami iyong mga pumapasok sa party-list na hindi naman nire-represent iyong mga pinaka-marginalized,” wika ni Robredo.
“Kung ito iyong problema, dapat iyong solusyon natin sasagot kung bakit nagkakaganito—hindi iyong papadaanin sa isang bagay na i-oopen up mo iyong pagbago ng Konstitusyon, na napakadelikado saka wrong timing pa,” dagdag nito.