-- Advertisements --

economic

Kinilala ni House Speaker Martin Romualdez ang ginagawang pagsusumikap ng mga miyembro ng economic team ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang magtuloy-tuloy ang pag-unlad ng bansa at mapabuti ang antas ng pamumuhay ng mga Pilipino.

Sa isang pahayag, sinabi ni Speaker na ang naitalang 4.3 porsyentong paglago ng Gross Domestic Product (GDP) para sa ikalawang quarter ng 2023 at ang 5.3 porsyento na naitala sa unang semestre ng taon ay naglalaman ng mga naabot at kailangang pagtuunan ng pansin ng gobyerno.

Sinabi ni Romualdez na isa umano sa mga dapat na iprayoridad ay ang pagtaas ng presyo ng pagkain na isa sa nagpapabagal sa pag-angat ng ekonomiya ng bansa.

Ang pagtugon umano rito ay magreresulta sa pagdami ng mabibiling pagkain ng mga Pilipino at paglakas ng sektor ng agrikultura.

Binigyang-diin ni Romualdez na upang matugunan ito, tututukan ng Kamara ang paglalagay ng pondo sa sektor ng agrikultura para maitayo ang mga kinakailangang imprastraktura at mabigyan ng bagong kaalaman sa pagtatanim ang mga magsasaka para tumaas ang kanilang produksyon at tiyakin na hindi mabubulok ang mga ito.

Dapat din matiyak na makararating ng maayos sa mga konsumer ang mga produkto sa murang halaga.

Suportado rin ng Kamara ang mga inisyatiba para mabantayan ang presyo at masiguro walang nagsasamantala.