Dahil na rin sa Independence Day o Araw ng Kalayaan sa Hunyo 12 na siyang deadline sa pagsusumite ng statement of contributions and expenses (SOCE) ng mga tumakbo sa 2019 midterm elections ay pinalawig pa ng Commission on Elections (Comelec) ang deadline nito.
Sa ipinatawag na press conference ni Comelec Spokesperson James Jimenez, puwedeng magsumite ang lahat ng mga tumakbong kandidato ng kanilang SOCE hanggang Hunyo 13.
Pero nagbabala naman ito sa mga hindi makakapagsumite ng SOCE sa itinakdang deadline lalo na sa mga nanalong kandidato na hindi sila makakaupo sa puwesto.
Maging ang mga natalong kandidato ay kailangan ding magsumite ng SOCE.
Base umano sa resolusyon ng Comelec, ang mga kandidato, nanalo man o natalo ay haharap sa kasong administratibo kapag bigo silang magsumite ng SOCE.