-- Advertisements --
veil ban 1 sri lanka
Sri Lankan government bans face veils over fear of terror attacks.

Ipinagbabawal ngayon ng mga otoridad sa Sri Lanka ang pagsusuot ng mga kababaihan ng belo kasunod ng ipinatupad na emergency law sa bansa matapos ang suicide bombing na naganap noong April 21.

Ang nasabing emergency law ay makakatulong umano sa security forces upang maayos na makita ang mukha ng mga sibilyan bilang paghahanap sa mga nakatakas na militante pati na rin ang mga taong tumulong sa mga ito upang isagawa ang nasabing pagpapasabog.

Umani naman ng iba’t ibang reaksyon ito sa Muslim community dahil maaari raw na mas lalong magkaroon ng tensyon sa bansa kung papatagalin pa ang ganitong panuntunan.

Posible raw kasi na maging daan ito upang umusbong ang civil war.

Nagbigay babala naman ang mga otoridad patungkol sa mga hinihinalang suspek na maaari umanong gumamit ang mga ito ng van at magkunwaring myembro ng militar upang muli na namang makapaminsala.

Ayon kay Dharmasri Bandara Ekanayake, spokesman ni Sri Lankan President Maithripala Sirisena, ang presidente umano ang direktang nag-utos na kaagad ipagbawal ang kahit anong uri ng kasuotan na maaaring maging takip sa mukha.

Sa hiwalay na pahayag naman na inilabas ni Prime Minister Ranil Wickremesinghe, na kasalukuyan ay ma hindi pagkakaunawaan kay Sirisena, sinabi nito na nakiusap siya sa justice minister na ipagbawal din ang burqa.

Ayon naman sa All Ceylon Jamiyyathul Ulama (ACJU), payag sila sa suhestyong ito ni Wickremesinghe lalo na kung para raw ito sa seguridad ng lahat ngunit hindi sila sang-ayon na gawing batas ang pagbabawal sa burqa.

Magiging emosyonal daw kasi ang karamihan dahil dito at maaaring maging bad impact para sa bansa dahil ang pagsusuot umano ng burqa ay karapatan ng bawat kababaihang muslim.

Sa pamamagitan ng tweet ay kinondena naman ito ng executive director ng Human Rights Watch na si Kenneth Roth.

(Reuters)