CAUAYAN CITY – Binuksan na ang turismo sa tinaguriang ground zero ng COVID-19 sa Wuhan City, China.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Chai Roxas, isang overseas Filipino worker (OFW) sa Wuhan City, sinabi niya na bumalik na sa normal ang naturang lungsod at sa pagbabalik ng klase nitong unang araw ng Setyembre ay face to face na.
Dagdag pa niya na wala na ring nagsusuot ng face mask pero sumusunod pa rin sila sa mga preventive measures para maiwasan ang pagkahawa sa virus gaya na lamang ng palagiang paghuhugas ng kamay.
Kasabay nito ay binuksan na ang turismo para sa mga galing sa labas ng siyudad.
Sa kabila nito ay may mga restaurants pa ring hindi nagbubukas at marahil ay dahil bumabangon pa lamang sila.
Ayon kay Roxas, maraming tourist destination sa Wuhan City at napakaganda ang cherry blossom tuwing spring season.
Gayunman, sa mga nagtutungo naman doon na galing sa ibang probinsya ay kailangang magpakita ng medical certificate na nagpapatunay na sila ay negatibo sa virus.
Sa ngayon ay hindi na rin ginagamit ang QR code sa ibang lugar ng naturang lungsod.
Nananatili namang sarado ang wet market na sinasabing pinagmulan ng COVID-19.