Magiging maluwag na ang House of Representatives sa mga polisiya nito hinggil sa tamang pagsunod sa mga health protocol.
Batay sa ulat, magiging optional na lamang ang pagsusuot ng facemask sa State of Nations Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa darating na Hulyo 24, 2023.
Hindi na rin kinakailangan na sumailalim pa sa Covid-19 testing ang mga dadalo sa naturang State of Nations Address maliban na lamang kung nakikitaan ito ang sintomas ng Covid-19.
Kung hindi pa bakunado ay kinakailangan namang sumailalim sa RT-PCR test.
Sa isang pahayag, sinabi ni House Secretary General Reginald Velasco, napag-usapan aniya sa isinagawang pagpupulong ng State of Nations Address Interagency Committee na gawing optional na lamang ang pagsusuot ng face mask.
Ngunit binigyang linaw nito na hinihikayat pa rin na magsuot ng face mask ang mga indibidwal na may comorbidity at mga kabilang sa vulnerable sector.
Kung maaalala, inalis na rin ng Malacañang ang Covid-19 testing requirements nito sa lahat ng mga bisitang nais pumasok sa palasyo.