Epektibo na ngayong araw ang hindi na mandatory at voluntary na lamang ang pagsusuot ng face shield sa loob ng MRT at LRT.
Ito ay matapos na lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease (IATF-EID) na tanggalin na ang mandatoryong polisiya sa pagsusuot ng face shield bilang requirement sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 1,2 at 3.
Kinumpirma ng pamunuan ng Light Rail Manila Corporation (LRT1) at Light Rail Transit Authority (LRT2) sa publiko gamit ang kanilang official twitter account na ngayong araw ay magsisimulang ipatupad ng pamunuan nito na bolutaryo na lamang sa mga pasahero ang pagsusuot ng face shield.
Bilang pagsunod ay inanunsyo na din ng pamunuan ng Department of Transportation – Metro Rail Transit (DOTr MRT-3) ang kaparehong alituntunin.
Samantala, sa kabila nang ipinapatupad na boluntaryong pagsusuot ng face shield ay mahigpit padin na ipatutupad ng pamunuan ng MRT3 ang pagsusuot ng face mask at iba pang mga health and safety protocols sa loob ng tren.
Bukod pa dito ay ipinagbabawal padin sa loob ng MRT3 ang pagsasalita, pagkain, pag-inom, at pakikipag-usap sa telepono.
Kasalukuyan padin na ipinapatupad ang 70% seating capacity sa loob ng mga tren ng MRT3 na may katumbas na 276 na mga pasahero kada bagon o nasa 827 pasahero naman kada train set. (with reports from Bombo Marlene Padiernos)