Hindi na rin mandato ang pagsusuot ng face shield sa mga pampublikong transportasyon epektibo Nobyembre 16.
Ayon kay Transportation Undersecretary Artemio Tuazon Jr., alinsunod ang naturang hakbang sa direktiba na inisyu ng IATF at inaprubahan ng pamahalaan kung saan boluntaryo na lamang ang pagsusuot ng face shield sa ilalim ng alert level 1, 2 at 3.
Batay sa DOTr, ang mga lugar na nasa ilalim ng alert level 5 at nakasailalim sa granular lockdown, mandatoryo pa rin ang pagsusuot ng face shields sa community settings.
Sa mga lugar na nakalagay sa alert level 4, nasa discretion ng LGUs at pribadong mga establisyimento kung gagawing mandato ang pagsusuot ng face shield.
Sa kabila naman nito, patuloy naman ang pagpapaalala ng DOTr sa mga mananakay na nananatiling required ang pagsusuot ng face masks gayundin ang istriktong pagsunod sa passenger capacity hanggang 70 porsyento, pag-implementa ng social distancing measures, regular na sanitation at iwasan ang pakikipag-usap at kumain sa loob ng mga pampublikong sasakyan.