Hindi na mandatory ang pagsusuot ng face shields sa lungsod ng Maynila epektibo nitong Lunes, Nobyembre 8 sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ito ay sa bisa ng inisyung EO No.42, ni Manila Mayor Isko Moreno kung saan nakasaad na ang pagsusuot ng face shield sa lungsod ay hindi na mandatory maliban na lamang sa mga ospital, medical clinics at iba pang medical facilities.
Kaugnay nito, binigyang diin ni Moreno na tanging ang Pilipinas na lamang ang bansa sa buong mundo kung saan mandatory pa rin ang pagsusuot ng face shields sa mga pampublikong lugar liban pa sa pagsusuot ng face mask bilang proteksyon laban sa virus.
Ang lungsod ng Maynila ang ikalawang siyudad sa bansa na inalis na ang mandatory na pagsusuot ng face shield liban na lamang kung nasa loob ng medical facilities.
Maaalala na noong nakalipas na linggo, una nang naglabas ng isang EO si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio kung saan boluntaryo na lamng ang pagsusuot ng face shield sa mga lugar na crowded, close contact settings at enclosed areas.
Gayundin ang alkalde ng Iloilo City ay iniutos rin sa kanyang ordinansa na maging buluntaryo na lamang ang pagsusuot ng face shield.