VIGAN CITY – Ipinagbabawal na umano ng kunsulada ng Pilipinas sa mga overseas Filipino workers (OFW) sa Hong Kong ang pagsusuot ng itim at puting damit upang hindi sila mapagkamalang protester.
Sa naging ulat sa Bombo Radyo Vigan ng Bombo international correspondent Rose Galinato Alcid, presidente ng OFW–North Alliance of Ilocos Sur, mayroon umanong dalawang Pilipino sa Hong Kong na napagkamalan ng mga otoridad na kasama sa mga protester dahil nakadamit ang mga ito ng kulay puti at itim.
Aniya, ang mga nasabing Pinoy umano ay dumaan lamang sa lugar kung saan nangyayari ang protesta kaya mahigpit na ipinapayo sa kanila na huwag munang magpunta o dumaan sa mga lugar kung saan mayroong nangyayaring protesta.
Kinumpirma rin ni Alcid na palala ng palala ang mga nangyayari sa Hong Kong dahil tila wala nang kinatatakutan ang mga nagpoprotesta.