-- Advertisements --

Suportado ng Commission on Population (POPCOM) ang panukalang pagtataas ng age of consent sa 16-anyos upang makatulong sa pagsugpo sa maagang pagbubuntis o teenage pregnancy.

Ayon kay POPCOM chief Juan Antonio Perez, batay sa government data noong 2019, lumalabas na may mga nabubuntis nang batang babae na sampung taong gulang pa lamang.

Sa pinakahuling datos na inilabas ng POPCOM, pumalo sa 62,510 ang bilang ng mga menor-de-edad na nanganak noong 2019, na bahagyang mas mataas kumpara sa 62,341 noong 2018.

Paglalahad ni Perez, karamihan daw sa mga teenage pregnancies ay dahil sa pang-aabuso at puwersahang pakikipagtalik o rape.

Maaari rin aniyang umakyat pa ang nasabing bilang dahil sa mga ipinatutupad na restriksyon bunsod ng COVID-19 pandemic.

Una nang nagmungkahi ang Kamara na itaas sa 16-anyos mula sa kasalukuyang 12-anyos ang edad ng statutory rape upang maprotektahan ang mga kabataan mula sa pang-aabusong sekswal.

Nais din aniya ng POPCOM at ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na magpatupad ng komprehensibong social aid program para sa mga teenage mothers na ipatutupad sa katapusan ng taon.