Ikinababahala ng Commission on Population and Development (CPD) ang pagtaas ng kaso ng adolescent pregnancies sa buong bansa.
Lumalabas kasi sa datus ng Philippine Statistics Authority na tumaas ng 6.6% ang bilang ng mga batang babaeng may edad sampu hanggang 14 anyos na nanganganak.
Noong 2019, mayroong 2,411 babaeng may edad 10 hanggang 14 anyos ang nanganak habang noong 2023 ay tumaas na ito sa 3,343.
Lumalabas na 38 babae na may edad 15 anyos pababa ang nakaranas din ng multiple pregnancies o ilang beses na nabuntis noong 2023, habang 17 dalagita na may edad 15 hanggang 20 anyos ay limang beses nang nanganak o mas higit pa.
Ang naturang problema ay pangunahing laganap sa mga lugar na may mataas na populasyon tulad ng Metro Manila, Central Luzon, at CALABARZON.
Ayon kay CPD Undersecretary Lisa Grace Bersales, kailangan nang magkaroon ng komprehensibong age-sensitive sexual education upang agad matugunan ang lumalalang kaso ng teenage pregnancy.
Giit ni Bersales na malaki rin ang pangangailangang magkaroon ng legisative action para matugunan ang naturang problema, kasama na ang pagkakapasa ng Senate Bill 1979 o Adolescent Pregnancy Prevention Bill para maprotektahan ang mga dalagita mula sa napaka-agang pagbubuntis.