-- Advertisements --

Ipinagmalaki ng Department of Justice (DOJ) ang mataas na conviction rate sa buong bansa.

Ito ay kasunod na rin ng mga reporma na ipinatupad ng ahensiya sa ilalim ng Department Circular 015 na may pangunahing layuning pabilisin ang imbestigasyon sa mga ‘lesser crimes’

Ayon kay Justice Undersecretary Raul T. Vasquez, nakatulong ng malaki ang mga naturang reporma para mapaikli ang period sa pa-iimbestiga sa mga kaso, mapabilis ang paglilitis sa tulong na rin ng mga korte, at tumaas ang conviction rate o pagbibigay-hatol sa mga akusado.

Nakatulong din aniya ang DOJ na mapalakas ang decongestion effort sa mga kulungan at mapagbuti ang sitwasyon ng mga preso.

Ayon pa kay Vasquez, tumutok din ang DOJ sa mga kaso ng human rights violations, online sexual abuse, human trafficking, atbpang katulad na kaso.

Ayon kay Vasquez, ang lahat ng mga pagbabagong ito ay bahagi ng tuloy-tuloy na reporma na ginagawa ng DOJ para mapagbuti ang justice system ng bansa.

Sa ngayon, tinututukan din ng DOJ ang pagpapalakas sa cybercrime prevention at ang kapabilidad nitong matugunan ang mga cybercrime.

Sa tulong ng tuloy-tuloy na training at kolaborasyon kasama ang iba pang ahensiya ng pamahalaan, sinabi ni Vasquez na unti-unting napapalakas ang kampaniya ng bansa para labanan ang pinangangambahang paglawak ng operasyon ng mga cybercriminal.