KORONADAL CITY – Ikinaalarma ng pamunuan ng Integrated Provincial Health Office (IPHO) ng South Cotabato ang pagtaas ng kaso ng coronavirus disease 2019 (Covid-19) sa mga tanggapan o tinatrabahuan.
Ito ang pinahayag ni South Cotabato Provincial Health Officer Dr. Rogelio Aturdido Jr. matapos makapagtala ng 213 kumpirmadong kaso ng Covid-19 ang nasa 10 opisina kung saan karamihan dito ang galing sa government institutions.
Ibinahagi rin nito na mayroong mga naitalang transmission ng virus mula sa mga nagsasagawa ng party at lamay.
Pahayag ni Aturdido na ang pagtaas ng kaso ng Covid 19 ay dahil umano sa kapabayaan sa pagsunod ng minimum health standards.
Dagdag pa nito na tatlong araw bago pa makitaan ng sintomas ng Covid-19 ang isang tao makakahawa na ito sa kanilang makakasalamuha.
Sa ngayon, patuloy ang panawagan ng kanilang pamunuan na sundin ang mga minimum health standards at huwag masyadong magpakampante dahil hindi pa tuluyang nawawala ang virus sa probinsya maging sa buong bansa.