Maaaring may kaugnayan sa mga nagsilabasang mga variants ng Covid-19 ang pagtaas ng bilang ng mga nasawi sa hanay ng Philippine National Police (PNP).
Ayon kay PNP Deputy Chief for Administration (DCA) at ASCOFT Commander Lt. Gen. Joselito Vera Cruz, hindi lamang sa PNP ang may pagtaas sa bilang ng mga nasawi dahil sa Covid-19 infections.
” Yung increase in Covid deaths naman ay hindi lang sa PNP nangyayari and this may be attributable sa mga emerging variants like the Delta variant which is 60% highly transmissible than the Alpha or UK variant that is causing the overload of our hospitals and undue stress especially sa ating mga health workers,” mensahe na ipinadala ni Lt Gen. Vera Cruz sa Bombo Radyo.
Inihayag naman ni Vera Cruz na ang mga personnel na mayruong mild cases ay ginagamot sa mga treatment facilities ng PNP at ang mga severe cases ay kanilang inililipat sa mga tertiary hospitals.
” As much as posssible our treatment facilities deals only on mild cases and we opt to transfer moderate to severe cases to tertiary hospitals,” wika ni Lt.Gen. Vera Cruz.
Sinabi naman ni Vera Cruz, 90% ng Covid-19 casualties sa kanilang hanay ay mga “unvaccinated” o hindi pa nabakunahan na mga personnel.
Dahilan para binilisan na ngayon ng PNP ang kanilang vaccination sa ibat-ibang regional police offices.
Hinikayat din ng PNP ASCOTF ang mga hindi pa nabakunahan na personnel na magpabakuna na.
“Actually what we are doing now is to fast track the vaccination of our personnel since about 36% plang ang fully vaccinated and we have available vaccines to cover all our personnel nationwide. Based on our records, about 90% ng Covid casualties namin are unvaccinated kaya we are encouraging those with vaccine hesitancy to take the jab available regardless of the brand,” dagdag pa ni Vera Cruz.
As of August 17,2021, sumampa na sa 96 ang bilang ng mga nasawi dahil sa COVID 19 sa PNP.
Ito’y matapos madagdagan ng apat na bagong kaso ng mga nasawi.
Ayon sa PNP Health Service, si patient 93 ay lalaking Police Lieutenant at nakatalaga sa Cebu City Police Office.
Si patient 94 ay lalaking Police Corporal na naka-assign sa Quezon City Police.
Habang si patient 95 ay lalaking Police Staff Sgt nakatalaga sa Regional Community Affairs and Development Division sa Visayas Police.
Ang patient 96 naman ay babaeng Police Executive Master Sgt. na nasa holding unit at uma-attend ng schooling.
Sa ngayon umabot naman sa 176 ang mga bagong kaso ng COVID 19 sa PNP habang 157 naman ang bilang ng mga bagong gumaling.
Dahil dito sumampa na sa 32, 631 ang kabuuang kaso ng PNP kung saan 1,985 dito ay active cases.