BAGUIO CITY – Naaalarma ngayon ang lokal na pamahalaan ng Benguet province dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng mga naaabusong bata sa lalawigan.
Batay sa data ng Benguet Provincial Social Welfare and Development Office, tumaas ang kaso ng child abuse sa lalawigan mula Enero hanggang Hulyo ng kasalukuyang taon.
Pumalo sa kabuuang 84 na kaso ng child abuse ang naitala ng nasabing opisina mula sa 73 na kaso sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Karamihang kaso ng child abuse na naitala ng opisina ay ang pisikal na pang-aabuso na sinundan ng panggagahasa, acts of lasciviousness, incest rape, emotional abuse at child trafficking.
Napag-alaman pa na karamihang nabibiktima ng pang-aabuso ay ang mga batang 5-anyos hanggang 17-anyos at madalas na suspek ay mga mismong kapitbahay, mga magulang at iba pang kapamilya ng mga ito.
Madalas nangyayari ang pang-aabuso sa bahay, sa mga paaralan at sa hindi matataong lugar.