Ipatutupad ang provisional increase sa pamasahe sa jeep bago matapos ang taon sa gitna ng ilang linggong patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Ayon kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) chair Teofilo Guadiz, hindi pa matukoy ng board ang halaga ng dagdag pamasahe, ngunit umaasa itong maipatupad sa Nobyembre.
Kailangan pa umanong makipag-ugnayan ang board sa National Economic and Development Authority (NEDA) para matukoy ang halaga dahil may epekto sa ekonomiya ang anumang pagtaas ng pamasahe.
Kung matatandaan, unang naianunsyo na ang susunod na pagdinig para sa petisyon sa pagtaas ng pamasahe ay nakatakda sa Setyembre 26.
Iba’t ibang transport group ang humihiling sa pagitan ng P2 at P4 na dagdag sa minimum fare ng mga jeepney.
Sa kabilang banda, sinabi ng LTFRB na ang pondo para sa humigit-kumulang 50,000 benepisyaryo ng fuel subsidy program ay na-credit kahapon sa Land Bank of the Philippines para sa pamamahagi.
Humigit-kumulang 1.36M na mga public utility vehicle operators ang nakatakdang makatanggap ng naturang fuel subsidy.