-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Pinangangambahan ngayon ang maaring pagtaas ng presyo ng gasolina matapos ang cyber attack sa colonial pipeline networks ng Amerika.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Jon Melegrito, News Editor sa Washington DC na dahil sa naturang cyber attack sa main pipeline ng Estados Unidos ay siguradong magkakaroon ng abala.

Aniya, maaring taasan ang presyo ng gasolina dahil sa naturang pangyayari.

Gayunman, batay sa humihingi ng ransom ay pera lamang ang kanilang hinahanap at hindi naman umano sila konektado sa political power.

Sa ngayon ay natukoy na ng Federal Bureau of Investigation (FBI) ang nasa likod ng cyber attack sa colonial pipeline networks na nagdadala ng gasolina mula Texas patungong Northeast.

Kinilala ang mga pinaghihinalaan na kasapi ng “Darkside” ransomware gang na naging aktibo noong Agosto 2020 at inatake ang mga medical, educational at mga government targets.

Ibinibigay nito ang mga nakukulimbat sa cyber attacks sa mga charity.

Papasukin ng grupo ang server ng biktima at kapag nakuha ang mga data ay ipapatubos ito sa mga may-ari ng mga websites.