![egg](https://xrc.bomboradyo.com/newscenter/2023/01/egg.jpg)
Dumipensa ang Department of Agriculture (DA) sa pagtaas ng presyo ng itlog sa bansa.
Ayon sa ahensiya, kasalukuyang global issue ang pagtaas na presyo ng itlog at hindi lamang dito sa Pilipinas.
Base sa latest survey ng Philippine Egg Board (PEB), ang mataas na presyo sa itlog ay problema din sa mga bansa gaya ng Japan, United States at New Zealand.
Ang presyo ng ibinibentang itlog sa New Zealand ay nasa P20.76 kada isang piraso, P17.59 kada piraso naman sa US, P11.41 kada piraso sa United Kingdom at P8.58 kada piraso naman sa Japan.
Dito naman sa Pilipinas, base sa latest price monitoring ng DA, lumalabas na ang medium-sized eggs ay mabibili sa halagang P9 kada piraso sa ilang merkado sa Metro Manila.
Subalit nagpaalala ang DA na ang naturang mga presyo ay dapat na hindi tumaas pa kung pagbabasehan ang production costs.
Pagdating naman sa farmgate prices ng itlog sa iba’t ibang lugar sa bansa , ayon sa latest survey ng Philippine Egg Board (PEB) nasa P5.93 kada isang piraso sa Cebu, P6.50 sa Laguna, at P9 sa Iloilo.
Samantala, isa sa nakikitang solusyon ng DA para mapababa ang presyo ay ang pagpapababa din ng production costs ng egg farming.
Marapat din ayon sa Philippine Egg Board Association na kausapin ang middleman, mga byahero at retailers para tanungin kung bakit ganoon na lamang kataas ang presyo ng mga itlog at pag aralan ang factors na nakadagdag sa gastusin ng mga nagbebenta ng itlog.