Nangangamba ang grupo ng fishing industry sa posibleng pagtaas ng presyo ng mga isda sa merkado kapag ipapatupad ang order mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na nagmamandato sa fishing operators na maglagay ng monitoring systems sa commercial fishing vessels.
Ayon kay Inter-Island and Deep Sea Fishing Association (IDSFA) director Roderic Santos, ang presyo ng mga isda ay posibleng papalo sa astronomical levels dahil sa Fisheries Administrative Order (FAO) No. 266 na inisyu noong 2020 ng BFAR.
Sa ilalim kasi ng Fisheries Administrative Order No. 266, minamandato ang commercial fishers na mag-report ng kanilang huli sa pamamagitan Vessel Monitoring Measures at isang Electronic Reporting System.
Subalit una ng sinuspendi ng Palasyo Malacanang ang naturang order sa pamamagitan ng pag-isyu ng Memorandum na may petsang Marso 13, 2023 na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin.
Sa naturang memorandum, inatasan ang Department of Agriculture at BFAR na ipagpaliban ang pagpapatupad ng FAO No. 266 sa buong bansa dahil sa nakabinbing pinal na resolusyon ng Korte Suprema kaugnay sa constitutionality ng naturang order.
Inisyu din sa parehong order ang isang permanent injuction noong Hunyo 2021 ng Malabon City regional Trial Court Branch 170 na nagdedeklara dito bilang null at void dahil sa pagiging unconstitutional nito.
Simula noon nakabinbin na ang naturang order sa Korte Suprema.
Subalit ayon kay Inter-Island and Deep Sea Fishing Association director Santos na kapag naipatupad ang FAO 266 magkakaroon ito ng malalang kahihinatnan lalo na sa pagsisikap ng gobyerno na makamit ang seguridad sa pagkain sa bansa at maaaring mag-expose sa mga mamimili sa price shock.
Inihayag din nito na mariing tinututulan ng local fishing industry ang naturang FAO at iginiit na walang commercial fishing vessel ang patuloy na magooperate sakaling ipatupad ang anila’y labag sa batas na regulatory measure.