Naobserbahan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang pagtaas ng seismic activity sa bulkang Kanlaon sa nakalipas na 24 oras.
Sa inisyung bulletin ng ahensiya ngayong araw, nasa 35 volcano-tectonic (VT) earthquakes ang naitala sa bulkan sa pagitan ng alas-10 ng gabi kahapon, Hulyo 20 at alas-9:06 ng umaga ngayong araw, Hulyo 21.
Ang naitalang pagyanig sa bulkan ay mayroong lakas na pumapalo sa magnitude 0.9 hanggang magnitude 2.3 at mayroong lalim na 12 hanggang 15 kilometro sa ilalim ng summit crater.
Nagbuga din ang bulkan ng sulfur dioxide na nasa average na 786 tonelada noong Hulyo 18 na mas kaunti kumpara sa naitalang 566 tonelada kada araw simula noong Marso 2023.
Iniulat din ng Phivolcs na sa kanilang pag-monitor sa parameters sa nakalipas na mga buwan, tuluy-tuloy ang mababaw na hydrothermal activity dala ng degassing ng mas malalim na magma habang ang nagpapatuloy na volcano-tectonic earthquakes activity ay nagpapakita na nangyayari ang fracturing sa mas malalim na lebel at posibleng humantong sa volcanic unrest.
Sa kabila naman ng mga aktibidad ng bulkang Kanlaon, nananatili pa rin tio sa Alert level 1 o low-level unrest.
Kaugnay nito, pinaalalahanan ng Civil aviation authorities ang mga piloto na iwasang magpalipad ng mga sasakyang panghimpapawid malapit sa bunganga ng bulkan dahil sa posibleng mapanganib na biglaang phreatic eruption.