Inihayag ng Department of Health na malaki ang itinaas ng kaso ng rabies ngayong taong 2024, kung saan nakapagtala sila ng nasa 169 cases noong buwan ng Mayo, mas mataas kaysa sa mga naitalang impeksyon noong parehong buwan, taong 2023.
Ayon sa pahayag ng DOH, ang kabuuang naitalang kaso ng rabies sa mga tao mula Enero hanggang Mayo 2024 ay 13% na mas mataas kaysa sa 150 na mga kaso na naitala sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Sa mga iniulat na kaso, 156 (92 percent) ay may history ng kagat ng aso, samantalang 10 (6 percent) na kaso ay may history ng kagat ng pusa, at ang natitirang 3 kaso ay naiulat na may history ng kagat mula sa iba pang hayop.
Hanggang Mayo 11, iniulat na ang Soccsksargen ang may pinakamataas na mga kaso na may 21 cases, sinusundan ng CALABARZON at Bicol na may 18 cases sa bawat naturang rehiyon.
Ang mga impeksyon ay nagresulta sa pagkasawi ng 160 katao o case fatality rate na 94.67%.
Sa kabilang banda, ang natitirang siyam na kaso, ay patuloy pa ring inaalam ng naturang kagawaran.
Babala naman ng DOH sa publiko, pabakunahan ang kanilang mga alagang hayop laban sa rabies.
Paulit-ulit din umano ipinapaalala ng kagawaran ang kanilang panawagan para sa karagdagang budget ng hindi bababa sa P110 milyon para sa Department of Agriculture upang magbigay daan naman sa malawakang programang pagbabakuna ng mga hayop.