Nasa ikaapat na linggo na ang pagtataas ng presyo ng gasolina habang ito naman ang ikalimang linggo ng price adjustment ng sunod-sunod sa presyo ng diesel at kerosene.
Muling magpapatupad ng panibagong umento sa presyo ng mga produktong petrolyo ang mga kompaniya ng langis sa bansa kung saan umaabot na sa halos P100 ang kada litro.
Sa advisory na inilabas ng Pilipinas Shell Petroleum Corp., magtataas ng P0.50 kada litro ang presyo ng gasolina habang P1.65 kada litro sa diesel at P0.10 kada litro ng kerosene.
Magpapatupad rin ang Cleanfuel ng parehong umento sa presyo ng gasolina at diesel maliban sa kerosene na wala sa naturang oil firm.
Magiging epektibo ang panibagong oil price hike sa lahat ng kompaniya ng langis bukas, araw ng Martes, June 28 dakong alas-6:00 ng umaga maliban sa Cleanfuel na magpapatupad ng bagong oil price bandang alas-8:01 ng umaga sa parehong araw.
Pinakamaagang magsasagawa ng implementasyon ng oil price hike ang Caltex dakong alas-12:01 mamaya ng madaling araw.
Batay sa data mula sa Department of Energy (DOE), ang year-to-date adjustments ay may net increase na P29.50 kada litro sa gasolina, P44.25 kada litro para sa diesel at P39.65 kada litro para sa kerosene as of June 21, 2022.
Sa monitoring ng DOE, lumalabas na ang presyuhan ng mga produktong petrolyo sa Metro Manila ay pumapalo na mula sa P75.95 kada litro ng gasolina sa ilang gasolinahan sa Pasig City hanggang sa P98.90 naman kada litro sa ibang lungsod.
Nasa P81.55 kada litro ng gasolina naman sa ilang gas station sa Quezon City hanggang P98 kada litro sa Pasay City habang nasa P89.64 kada litro naman sa Maynila hangang P99.04 kada litro sa ibang lugar sa NCR para sa kerosene noong nakaraang linggo.
Nauna ng ipinaliwanag ni Energy Undersecretary Gerardo Erguiza Jr, na ang pagtaaas ng mga presyo ng produktong petrolyo ay maaaring pumalo sa P100 kada litro kung sakaling magpatuloy ang pagtaas ng mga presyo kada linggo dahil sa ilang mga factors kabilang dito ang global demand at ang nangyayaring geopolitical tension sa pagitan ng Russia at Ukraine.