Siniguro ng Department of Agriculture (DA) na kanila nang pinaplantsa ang isyu sa pagtaas ng presyo ng tilapia at bangus, maging ang kakulangan ng suplay ng karneng baboy sa merkado.
Sa isang virtual briefing ngayong araw, sinabi ni Agriculture Secretary William Dar, itinuturo nilang sanhi ng pagtaas ng presyo ng bangus at tilapia ang isyu sa pagbiyahe ng mga ito mula Metro Manila patungo sa mga lalawigan.
“Alam ninyo, itong mga itong mga tilapia at bangus, galing ‘yan sa Region 4A, MIMAROPA, Central Luzon. ‘Pag minsan ay may onti pa ring problema doon sa pag-transport nitong mga isda, so nadidistorbo ‘yung mga pagpasok ng mga food supplies na ito,” wika ni Dar.
Kamakailan kasi nang nakapagtala ng pagsirit sa presyo ng nasabing mga isda sa merkado sa gitna na rin ng enhanced community quarantine (ECQ).
Pero pagtitiyak ni Dar, nagpatupad na ang kagawaran ng ilang mga hakbang upang maging tuloy-tuloy lamang ang pagpasok ng mga suplay ng pagkain sa Kalakhang Maynila.
“Noong unang pag-implementa ng ECQ, maraming nabinbin na mga food supplies galing sa mga probinsya. Mas lalo na doon sa mga barangays. Ito na ‘yung naayos na natin,” dagdag ng kalihim.
Kaugnay nito, sinusubukan na rin umano ng DA na ayusin ang problema sa kakulangan ng suplay ng karne ng baboy sa mga pamilihan.
Sa imbentaryo ng DA, aabot lamang ng walong araw ang suplay nito dahil sa patuloy na pinapatay ng African Swine Fever ang kanilang populasyon.
Samantala, inihayag ni Dar na tatagal hanggang buwan ng Hunyo ang suplay ng pagkain sa bansa, na humaharap pa rin sa krisis na dulot ng coronavirus.