LAOAG CITY – Inihayag ni Bombo International News Correspondent Rene Ballenas mula sa Estados Unidos na walang epekto ang pagtakbo ng dating Presidente ng Estados Unidos na si Donald Trump bilang Pangulo sa naging desisyon ng Korte sa New York na siya ay nagkasala sa lahat ng 34 counts ng pamemeke ng kaniyang business records.
Ayon sa kanya, ito ay matapos na marami pa ring mga tao ang nanatiling nagbibigay at nagpapakita ng mahigpit na suporta para kay Trump sa kabila ng mga patong-patong na kaso na kanyang kinakaharap.
Gayunpaman, ibinunyag niya na may posibilidad na madiskwalipika si Trump dahil sa desisyon ng Korte ngunit maaaring mag-apela siya sa mas mataas na Hukuman at pagbabayad ng piyansa.
Ipinaliwanag niya na pagkatapos na mailabas ang desisyon ng Korte, wala pang nagsasagawa ng kilos protesta sa bansa.
Kaugnay nito, tiniyak ni Ballenas na aapela si Trump dahil mayroon siyang sapat na pera, koneksyon at personalidad para labanan ang kanyang kaso.
Dagdag pa niya, hindi inaasahan ni Trump ang naging resulta ng Korte dahil tinakot niya ang hurado, hukom at mga abogado na bawiin ang kaso laban sa kanya.
Samantala, ito ang unang pagkakataon na kinasuhan ang isang dati o kasalukuyang Pangulo ng Estados Unidos.