Pinabulaanan ni dating Presidential spokesperson Atty. Salvador Panelo na tatakbong Senador si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa 2025 midterm elections.
Ito ang nilinaw ni Panelo sa gitna ng mga ulat na umatras na umano ang dating Pangulo sa kaniyang kandidatura bilang alkalde ng Davao city para kumandidato sa pagka-Senador. Aniya, fake news ito.
Isa ding close aide ni ex-PRRD na tumangging pangalanan, ang nagsabing hindi tatakbo bilang Senador ang dating Pangulo. Bagamat kinumpirma nito na kasalukuyang nasa Metro Manila si Duterte, nilinaw naman niya na nagtungo siya sa NCR para sa ilan niyang
prior commitments.
Nilinaw din nito na hindi nag-withdraw ng kandidatura sa pagka-alkalde ng Davao city si ex-PRRD.
Una na ngang naghain sina Duterte at kaniyang mga anak na sina Baste at Paolo Duterte para sa pagka-alkalde, bise-alkalde at kongresista ng unang distrito ng Davao city nitong Lunes, Oktubre 7.