Pinanatili ng Anti-Terrorism Council (ATC) ang pagtalaga bilang terorista sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).
Ayon pa sa Presidential Communications Office (PCO), nananatili rin ang terrorist designation ng Islamic State East Asia (ISEA) at iba pang konektadong grupo sa PH sa bisa ng 7 pahinang Resolution No. 53 ng konseho.
Kabilang dito ang Abu Sayyaf, Maute group, Maguid, Turaifie, Hassan, at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters.
Sa ilalim din ng Resolution, pinangalanan ni ATC si Elizabeth Pineda Principe ng CPP-NPA bilang terorista matapos na makahanap ng probable cause para italaga itong isang terorista base sa verified at validated information, sinumpaang salaysay at piraso ng mga ebidensiya na nakalap ng iba’t ibang law enforcement agencies at militar sa bansa.
Paliwanag ng ATC na pinanatili ang terrorist designation ng CPP-NPA o Bagong Hukbong Bayan bilang teroristang organisasyon dahil patuloy na tinatarget ng mga ito ang pwersa ng gobyerno at naghahasik ng takot sa publiko base sa naitalang 268 insidente ng karahasan mula Disyembre 2020 hanggang Agosto 2023.
Gayundin naging basehan ang pagpatay sa national football athlete na si Keith Absalon sa pagpapasabog ng bomba ng mga rebelde sa Masbate.