-- Advertisements --

Nanindigan ang House Committee on Legislative Franchises na hindi nila pinatatagal ang pagtalakay sa 11 panukala para sa franchise renewal application ng ABS-CBN.

Sa katunayan, sinabi ni Isabela Rep. Antonio Albano na naka-kalendaryo na ang mga panukalang ito subalit wala raw siya sa posisyon para sabihin kung kailan ito.

Iginiit ni Albano na ginagawa nila ang kanilang trabaho subalit sadyang may mga nakabinbin na panukalang batas sa kanilang komite na nauna nang naka-kalendaryo.

Hindi naman aniya patas na basta lamang nila isasalang sa pagdinig ang franchise renewal application ng ABS-CBN dahil lamang napapanahon ito sa ngayon.

Sinabi ni Albano na may strict agenda silang sinusunod at wala naman aniyang dapat na ipagmadali ang ABS-CBN dahil may hanggang sa katapusan pa naman sila ng 18th Congress maaring makapag-operate kahit na nakatakdang mapaso sa Marso 30 ang prangkisa nito.

Sa ngayon, hinimok ng kongresista ang Lopez-led broadcast company na sagutin ang mga paglabag na inaakusa ng Solicitor General sa inihain nitong quo warranto case sa Korte Suprema.

Magandang pagkakataon na rin aniya ito para ikonsidera ng ABS-CBN ang payo ni Speaker Alan Peter Cayetano na mag-soul searching para alamin at intindihin kung bakit marami rin ang tutol sa franchise renewal application nito.