Sisimulan na sa plenaryo ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ngayong linggo ang panukalang pag-amyenda sa Rice Tariffication Law na naglalayong maibaba ang presyo ng bigas.
Tiniyak din ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang masusi at mabilis na pagtalakay ng Kamara upang mapagtibay ang panukala sa ikalawang pagbasa sa Miyekules.
Ayon kay Romualdez, ang hakbang ay upang mabawasan ang halaga ng bigas na malaking tulong sa mamayang Pilipino.
Inaasahan ang agad na pagsisimula ng debate sa oras na iendorso na ng Committee on Agriculture and Food, na pinamumunuan ni Quezon 1st District Rep. Mark Enverga ang pag-asa ng panukalang mag-aamyenda sa RTL.
Noong nakaraang Martes inaprubahan ng komite ni Enverga ang pinal na bersyon ng House Bill (HB) Nos. 212, 405, 1562, 9030, 9547, at House Resolution (HR) No. 1614.
Layunin ng substitute bill na palakasin ang kompetisyon at kakayahan ng rice industry na matiyak na may mabibiling bigas ang mga Filipino sa abot kayang halaga.
Kasabay ng pag-apruba ng komite ay pahayag ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., na isertipika bilang ‘urgent’ ang panukalang pag-amyenda ng RTL.
Hinahangad ni Speaker Romualdez na maisabatas ang amyenda sa RTL sa Hulyo, at maibaba ng hanggang sa P30 ang kada kilo ng presyo ng bigas.
Sa kasalukuyan, nagkakahalaga ng P40-45 o higit pa sa P50 ang kada kilo ng bigas sa pamilihan.
Kabilang din sa layunin ng substitute bill ang maibalik ang mandato ng National Food Authority’s (NFA) na makapagbenta ng murang bigas sa publiko.
Upang mapanatili ang buffer stock ng bigas, bibigyan ng kapagayrihan ang NFA na bumili ng bigas sa mga lokal na magsasaka batay sa pangangailangan ng bansa.
Sa mga pagkakataon namang hindi sapat ang supply sa loob ng bansa, maaaring bumili ang NFA ng bigas mula sa mga accredited importer sa isang itinakdang bahagi ng CIF (cost, insurance, and freight) landed price.
At panghuli, maaari ding direktang umangkat ng bigas ang NFA, kung may authorization mula sa Pangulo, para lamang mapanatili ang supply at presyo ng bigas.
Saklaw din ng panukala ang pagbibigay ng pansamantalang kapangyarihan sa NFA sa pagkakataon ng biglang pagtaas ng presyo o matinding kakulangan ng suplay.
Pinalalakas din nito ang Bureau of Plant Industry upang tiyakin ang pagpapatupad ng mga pamantayan sa kalinisan at phytosanitary.
Inirerekomenda rin ng panukala ang mga pag-aayos sa alokasyon ng pondo at ang pagtatatag ng Rice Industry Development Program Management Office.