-- Advertisements --
Poland border
Two rockets fell in the town of Przewodów in Poland

Hindi umano naniniwala si US President Joe Biden at ang kaalyadong North Atlantic Treaty Organization (NATO) na nagmula mismo sa loob ng Russia ang missile na tumama sa bahagi ng Poland na ikinamatay ng dalawang katao.

Ginawa ni Biden ang pahayag matapos ang emergency meeting sa ilang world leaders na dumalo sa Group of 7 Summit sa Indonesia at mga NATO allies.

Una nang napaulat na ang Russian made missile ay tumama sa isang village malapit sa Ukraine border.

Ayon naman kay Biden na umalis na rin ng Bali, Indonesia sakay ng Air Force One, batay daw sa natangggap niyang preliminary information maaring ang missile ay hindi nagmula sa Russia.

Kung maalala maging ang Ukraine ay gumagamit din ng ilang mga armas na gawa ng Russia.

Lumutang din ang impormasyon mula sa ilang US top officials na ang missile na tumama sa Poland ay pinakawalan ng Ukrainian forces upang ma-intercept ang paparating na Russian missile.

NATO 1
NATO Secretary General Jens Stoltenberg

Nagsalita na rin si NATO Secretary General Jens Stoltenberg kaugnay sa insidente matapos ang pulong kay Polish President Andrzej Duda.

Nagpaliwanag ito na aksidente ang nangyari at walang indikasyon na sinadya ang pagtira ng missile sa Poland.

Aniya, sa inisyal na impormasyon nanggaling umano sa Ukraine ang missile bilang bahagi ng Ukrainian air defense missiles.

Sa ngayon wala rin daw indikasyon na naghahanda ng military action ang Russia laban sa NATO.

Sa kabila nito, sinisisi pa rin ni Stoltenberg ang Russia dahil kung walang ginawang panggigiyera ito sa Ukraine ay hindi mangyayari ang mga gulo na ito.

“There is no confirmation that the incident in Poland was the result of deliberate actions, preliminary information indicates the impact of Ukrainian air defense missiles,” ani Stoltenberg. “Russia bears full responsibility, as it continues the illegal war against Ukraine.”

Samantala, todo rin naman ang pagtanggi ng ilang Russian official na nagmula nga sa kanila ang sumabog na missile.

Ayon sa Russia’s first deputy permanent representative sa United Nations na si Dmitry Polyansky, ang pag-uugnay sa kanila sa missile ay upang kaladkarin daw ang Russia na magkaroon ng probokasyon at sumabog ang direktang military clash sa pagitan ng NATO forces at Russia.

Ang pinangangambahang bagong krisis ay magiging sentro ng biglaang ipinatawag na pulong ng UN Security Council sa darating na Huwebes.