KALIBO, Aklan — Kumpiyansa ang grupo ng mga negosyante sa Isla ng Boracay na malaking tulong sa muling paglakas ng turismo sa bansa ang hindi na pag-obliga sa mga turistang magsuot ng face mask at magpakita ng kanilang proof of full COVID-19 vaccination na tutungo sa mga tourist spots sa Pilipinas.
Naniniwala si Ma. Elena Tusco Brugger, advisory chairman ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI)-Boracay, ang ipinalabas na bagong memorandum ng Department of Tourism (DOT) ay hudyat upang madagdagan ang bilang ng mga turistang bibisita sa isla lalo na ngayong summer season.
Ang pagsusuot umano ng face mask at pagpapakita ng vaccination card ang ilan sa mga inirereklamo ng mga turista sa Boracay lalo na ang mga dayuhang bisita.
Mananatili na lamang aniyang choice ng isang bakasyunista kung gagamit siya ng face mask o hindi.
Dagdag pa ni Brugger na nagpapatunay lamang ito na bukas na ang bansa sa turismo.
Sa kasalukuyan, ang pagsusuot ng face masks sa indoor at outdoor settings sa bansa ay boluntaryo, base sa executive order na ipinalabas naman ng Malakanyang noong Oktubre ng nakaraang taon.
Samantala, hangad rin ng PCCI-Boracay na magkaroon ng iisang ticketing area sa Caticlan jetty port upang maiwasan ang pagpunta ng mga bisita sa iba’t-ibang window para kanilang mga babayaran bago makapasok sa isla.