Nakasalalay kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) ang desisyon para sa pagtanggal ng floating barrier na ininstall umano ng China sa may Scarborough shoal.
Ayon kay Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for the West PH Sea, Commodore Jay Tarriela, kailangan ng diplomatikong proseso para maisagawa ang posibleng pagtanggal ng floating barrier sa isla.
Sinabi din ng opisyal na nagbigay na sila ng report sa NTF-WPS kung saan ang DOJ, DFA, DND ay bahagi ng inter-agency task force na pinangungunahan ng National Security Adviser.
Sakaling magrekomenda aniya ang NTF-WPS sa Pangulo ukol sa gagawin sa floating barriers, tatalima aniya ang PCG, BFAR at maging ang AFP kung ano man ang magiging desisyon ng pamahalaan.
Ayon pa kay Tarriela, hindi pa kinokonsulta ng PCG ang Pangulo at ang national government kaugnay sa kung ano ang dapat gawin sa mga floating barrier.
Ginawa ng PCG official ang pahayag matapos hilingin ni Senate Pres. Juan Miguel Zubiri sa PCG na putulin at tanggalin ang floating barriers.